MANILA, Philippines - Dalawa katao ang patay habang pito pa ang sugatan nang magsalpukan ang isang pampasaherong bus at isang van sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Chief Inspector Virgilio Ramirez ng Traffic Sector 2, nakilala ang mga biktima na sina Rolando Magnayon at Marites Maregmin.
Habang ang mga sugatan ay kinilalang sina Elgie Kuinisala, Lorena Tugade, Carlo Custudio, Rolinda Aurellosa, Ferdinand Aurellosa, Rosalie de Mesa at Ranjo Perez, mga pasahero ng Jayross Lucky 7 bus na may plakang TXL-911.
Nangyari ang aksidente sa may kahabaan ng Regalado Avenue, North Fairview sa lungsod ganap na alas-12:30 ng madaling-araw.
Sinasabing tinatahak ng bus ang naturang lugar nang pagsapit sa tapat ng STI College ay nag-overtake ito sa isang pampasaherong jeepney dahilan para masalubong nito ang Nissan Urvan (ZPV-293) sanhi ng kanilang salpukan.
Sa lakas ng impact, nawasak ang harapang bahagi ng van dahilan para tuluyang maipit ang mga biktima rito.
Tumagal nang halos isang oras bago tuluyang naialis mula sa pagkakaipit sa nawasak na van ang dalawang biktima.
Ayon sa mga sugatang biktima, mabilis umano ang takbo ng bus kung kaya nang sumalpok sila ay halos tumalsik sila sa loob.
Samantala, mabilis namang tumakas ang driver ng bus, habang ang mga biktima naman ay dinala sa naturang ospital para malapatan ng lunas.