MANILA, Philippines - Walang nilabag na batas at dumaan sa tamang proseso ang pag-aresto ng PNP sa isa pang lider ng notoryus na carjacking syndicate na si Roger Dominguez na itinuturong nasa likod ng pagdukot at brutal na pagpatay sa car dealers na sina Venson Evangelista, Emerson Lozano at driver nito noong nakalipas na Enero.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., hindi ilegal ang ginawang pagkulong ng PNP kay Dominguez dahilan may nakabimbin itong warrant of arrest sa kasong carnapping sa Bulacan Regional Trial Court (RTC).
Si Roger, kapatid ng isa ring lider ng carjacking syndicates na si Raymond Dominguez ay nasakote sa traffic counterflow sa Timog, Quezon City noong nakaraang linggo.
Si Raymond ay nauna nang sumuko sa mga awtoridad noong Enero.
Naaresto si Roger matapos na magpanggap na pulis kasama ang isang Jason Miranda alyas Soy na umano’y miyembro rin ng sindikato.
Samantalang matapos ang mga itong maaresto ay nabawi naman sa follow-up operation sa isang mall sa Kalentong, Mandaluyong City ang sasakyan ni Evangelista na pinalitan na ng plaka.
Ginawa ni Cruz ang pahayag bilang tugon sa pag-alma ng abogado ni Roger na si Atty. Joey Cruz na maling hakbangin at hindi dapat sampahan ng ibang kaso ang kanyang kliyente dahilan naaresto ito sa paglabag sa batas trapiko.
Magugunita na ang magkapatid na Dominguez ang itinuturong mastermind at lider ng carjacking syndicates na dumukot kina Evangelista, Lozano at driver ng huli na si Ernani Sensil; pawang natagpuan ang sinunog na mga bangkay sa magkakahiwalay na lugar sa Central Luzon matapos ang mga itong dukutin sa magkakahiwalay na lugar sa Quezon City noong nakalipas na buwan.