MANILA, Philippines - Isang 5-anyos na batang lalaki ang nasawi, habang umabot sa 2,000 pamilya ang nawalan ng tirahan sa limang oras na sunog na umabo sa may 500 kabahayan sa lungsod Quezon, ayon sa ulat kahapon.
Ayon sa ulat ni Supt. Santiago Laguna, QC fire chief, nakilala ang nasawi na si Manny Martinez na natagpuang sunog na sunog ang katawan sa loob ng naabo nilang bahay sa may Sinagtala compound, Brgy. Bahay Toro.
Sinasabing nagsimula ang sunog ganap na alas- 9 ng gabi sa tahanan ng isa umanong Carlito Mapunting, kalapit-bahay ng pamilya ng biktima nang biglang sumiklab ito na hinihinalang dulot ng napabayaang kuryente.
Dahil pawang gawa sa light materials ang kabahayan mabilis na kumalat ang apoy at nagtuluy-tuloy ito sa iba pang mga bahay.
Sinabi ng ilang residente, naiwan umanong natutulog ang biktima nang mangyari ang sunog, kung kaya na-trap na ito nang simulang gumuho ang kanilang bahay.
Sa ngayon ang naapektuhang mga pamilya ay nakalagak sa covered court ng barangay, habang ang iba ay nagpasyang magtayo ng tent sa lugar na nasunog nilang bahay.