MANILA, Philippines - Hindi naging maganda ang pagsalubong sa Araw ng mga Puso sa dalawang babae matapos na malapnos ang kanilang mga kamay nang maglagablab ang tinutuluyan nilang gusali sa lungsod Quezon kahapon.
Kinilala ang mga biktima na sina Flordeliza Cortira at Elena Lopez, na nagtamo ng first degree burn sa kanilang mga kamay.
Ayon sa ulat, ang sunog ay naganap sa 2-storey building na pag-aari ng isang Rolando Magcale, sa #68 Emerald St., Fern Village, Brgy. Pasong Tamo ganap na alas-9:48 ng umaga. Diumano, bigla na lamang sumiklab ang bahagi ng kusina sa ikalawang palapag hanggang sa tuluyang lamunin ito at madamay ang tinutuluyan ng dalawang biktima.
Umabot sa 3rd alarm ang sunog bago tuluyang ideklarang fire out ganap na alas-10:40 ng umaga.
Inaalam pa ang sanhi ng naturang sunog habang umabot naman sa P3 milyon ang halaga ng napinsala dito.