MANILA, Philippines - Kaalinsabay sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, inabsuwelto kahapon ng AFP-General Court Martial (AFP-GCM) ang anim na Army Scout Ranger officers na nasangkot sa bigong 2006 coup de etat laban sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Ito’y matapos katigan ng military court na pinamumunuan ni Major Gen. Joshue Gaverza Jr. ang motion for reconsideration na humihiling na ibasura ang kaso laban sa nasabing mga opisyal.
Kinilala ang mga ito na sina Major Jason Aquino, Captains Isagani Cristie, Montano Almodovar, James Sababan, Joey Fontiveros at Dante Langkit. Ang mga ito ay nasa aktibo pang serbisyo maliban kay Langkit na natalo nang tumakbong gobernador ng Kalinga noong May 2010 elections.
Gayunman, sinabi ni Gaverza na ipagpapatuloy ang general court martial proceedings laban kina dating Marine Commandant ret. Maj. Gen. Renato Miranda, Brig. Gen. Danilo Lim, dating hepe ng First Scout Ranger Regiment (FSRR) at Marine Col. Ariel Querubin dahilan sa kawalan ng merito laban sa inihain ng mga itong mosyon.