Punerarya 'nagnakaw' ng patay, kakasuhan

MANILA, Philippines - Nakatakdang sampahan ng kasong pagnanakaw at obstruction of justice ng Pasay City Police ang isang punerarya dahil sa pagtangay sa bangkay ng isang babae na biktima ng pananaksak habang nasa morgue ito ng isang pagamutan, noong Sabado ng gabi.

Kinikilala na ni Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) head, Chief Insp. Raymund Liguden ang may-ari ng kakasuhang pu­nerarya na Paradise Funeral Parlor na nasa España St., Sampaloc, Maynila makaraang walang paalam na ta­ngayin ang bangkay ni Gilda Gaba-gaba sa morgue ng Villamor Airbase General Hospital.

Ipinaliwanag ni Li­guden na isang uri ng medico legal case ang pagkamatay ni Gaba-gaba kaya’t kinaka­ilangan muna siyang isailalim sa awtopsiya upang matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay.

Wala umanong ka­rapatan ang Paradise Funeral Parlor na basta na lamang tangayin ang bangkay ng ginang nang hindi pa naisasailalim sa imbestigasyon ng pulisya dahil malinaw na bukod sa pagna­nakaw ay paghadlang din sa hustisya ang ginawa ng mga kawani at may-ari ng punerarya.

Sa rekord ng pu­lisya, pinagsasaksak si Gaba-gaba ng live-in partner nito dahil sa matinding pagseselos nang makitang may kasamang ibang lalaki ang biktima sa kalsada.

Show comments