MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi, habang tatlo ang sugatan makaraang salpukin ng umano’y lasing na driver ang sinasakyan ng mga una sa Kamias Quezon City kamakalawa ng gabi.
Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente sa kahabaan ng K-7 Street sa Kamias, Quezon City, nang salpukin ng Toyota Innova ang isang Toyota Revo.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa East Avenue Medical Center ang mga biktimang sina Ella Fernandez at Hilaria Garcia, habang patuloy pa ring ginagamot ang mga sugatang sina Jelyn Bacod, Heidi Yumul, at Jeffrey Yumul, pawang mga pasahero rin ng Revo.
Aresto naman ng mga tauhan ng Traffic Sector III ng QCPD ang driver ng Innova na kinilalang si Ariel John Bayodalin, 23, na inaming lasing siya sa alak nang mangyari ang aksidente na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at multiple physical injuries at damage to property.
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis na mabilis ang takbo ng Innova nang salpukin nito ang sasakyang Revo at dahil sa lakas ng pagkakabangga ay tumama pa ang Revo sa kalapit na poste ng kuryente sa nabanggit na lugar.