MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kaso ng Quezon City Police District sa piskalya ng City Hall si Roger Dominguez, ang tinuturong lider ng carjacking group matapos na maaresto dahil sa paglabag sa batas-trapiko kamakalawa.
Mahigpit na seguridad ang ipinatupad ng hanay ng QCPD kay Roger Dominguez at sa driver nito nang dalhin ng mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) sa Quezon City (QC) Hall of Justice kahapon ng umaga, para sa inquest proceedings.
Ipinagharap si Dominguez ng kasong paglabag sa batas trapiko at usurpation of authority kay City Fiscal Ma. Cristina Zulueta dahil sa pagpapakilalang isang alagad ng batas habang siya ay inaaresto. Si Roger ay kapatid ni Raymond Dominguez, na naharap sa kaso dahil sa umano’y brutal na pagpatay kina Venson Evangelista, Emerson Lozano at Ernani Sencil.
Ganap na alas-12 kamakalawa ng tanghali nang maaresto ng QCPD si Roger kasama ang driver na si Jason Miranda sa may panulukan ng Timog at Panay Avenues matapos na mag-counter flow sakay ang kanyang Mitsubishi Outlander (ZTF-944).
Makalipas ang interogasyon, ganap na alas-7 ng gabi, nilusob naman ng tropa ng QCPD, CIDG-Camp Crame at ang isang palengke ng mall sa Mandaluyong kung saan narekober ang sasakyang Toyota Land Cruiser ng pinaslang na si Venson Evangelista.
Ang nasabing sasakyan ay nakaparada sa nasabing lugar dalawa hanggang tatlong araw dahil dito umano ito ipinaparada ni Roger habang naka-check-in sa isang motel dito kasama ang driver na si Miranda. Nang siyasatin ang chassis number ng sasakyan ay nakumpirma na sasakyan nga ito ni Evangelista. Ang original na plaka nitong (NAI 316) ay napalitan na ng LGF 392.
Kinumpirma din ni Arsenio Evangelista, tatay ni Venson na sasakyan nga ng kanyang anak ang nakitang kotse matapos na dalhin nito ang key entry remote nito.