3 Hapones, Pinay tiklo sa pekeng dolyares

MANILA, Philippines –  Arestado ang tatlong Japanese­ national at kasabwat nitong Pinay makaraang mabuko ang modus-operandi na pagbabayad ng budol-budol na pera na binalutan ng pekeng dolyares sa pagbili ng ginto, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Nakilala ang mga na­aresto na sina Siyu Miura, Ochie Nabohiro, Hiroshi Abe at ka­sabwat na Pinay na si Marilou Barlias, pawang nahaharap sa mga kasong illega­l possession of counterfeit money at estafa.

Ayon kay Pasay police chief, Sr. Supt. Napoleon Cuaton, naaresto ang mga suspek pasado alas-7 ng gabi sa may Shogun Hotel na nasa #2842 Taft Avenue, ng naturang lungsod.

Nabatid na unang naki­pagtransaksyon ang mga suspek sa alaherong si Tomas Felipe kung saan bumili ng may tatlong kilong “gold nuggets” ang mga Hapones na nagkakahalaga ng P4 mil­yon. Si Marilou umano ang nagsilbing tulay niya para makilala ang mga dayuhan.

Matapos ang bayaran, nadiskubre ni Felipe na peke ang dolyares na ibinayad sa kanya ng mga suspek na ginamit na pampatong sa “boodle money” o papel na ginupit-gupit. Dito na agad na humingi ng saklolo ang biktima sa Pasay police.

 Nadakip naman sa ope­rasyon ang mga suspek sa loob ng Shogun hotel kung saan nakumpiska sa posesyon ng mga ito ang mga ginto, platinum at mga pekeng dolyares na gamit sa kanilang iligal na operasyon.

Nagsasagawa pa rin naman ng malalimang imbestigasyon ang pulisya upang mabatid kung saan nanggagaling ang mga pekeng dolyares na gamit ng mga Hapones na hinihinala na miyembro ng sindikato na gumagawa nito.

Show comments