Mag-utol na pumaslang sa Smart supervisor sumuko
MANILA, Philippines - Depensa lamang umano sa sarili at pagtatanggol sa nakababatang kapatid ang dahilan kung kaya napatay ng isa sa magkapatid na suspect ang 28-anyos na umano’y bading at supervisor ng Smart Telecommunications noong Enero 30, sa isang condominium sa Sta. Ana, Maynila.
“Ipinagtanggol ko lang po ang kapatid ko na pinagsasamantalahan niya at tinutukan pa niya ng kutsilyo sa leeg,” anang suspect na si Paul Bryan Laxamana, 18.
Si Paul at ang kapatid na isa pang suspect at itinago sa pangalang “Bobot”, 16, ay humingi ng tulong kay Mayor Complaint Action Team chief, Ret. Franklin Gautan sa kanilang pagsuko at iniharap kay Manila Mayor Alfredo S. Lim kahapon.
Kapwa suspect sa pagpatay sa biktimang si Albert Clarence Bondoc, ng San Andres Bukid, Maynila na nagtamo ng maraming saksak sa katawan sa loob ng kanyang silid.
Itinanggi rin ni Paul na pinagnakawan nila ang biktima bagkus ay nagpaliwanag ito na dalawang beses pa lamang silang nagkikita ng biktima at hindi umano sila mga ‘call boy’ ng kanyang kapatid.
Pinangakuan umano siya ng biktima na ipapasok sa trabaho at niyaya na magtungo sa kanyang condominium. Sa takot umano na mag-isa ay isinama niya ang kapatid nang magtungo sa bahay ng biktima. Inasahan niyang sa pagdating nila ay ipakikilala siya sa isang manager ng restaurant na papasukan subalit wala naman umano silang dinatnan. Napilitan silang sumama sa kuwarto ng biktima na doon naman tinangkang halayin ang kanyang kapatid. (Ludy Bermudo at Doris Franche)
- Latest
- Trending