MANILA, Philippines - Aabot sa 500 kabahayan at 5,000 pamilya ang naapektuhan nang sumiklab ang sunog sa isang barangay sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Ayon kay Fire Officer 1 Michael Sarmiento ng Quezon City Fire Station, nagsimula ang sunog sa tahanan ng isa umanong Lily Magpuo, sa #219 BIR Road, Brgy. Central ganap na alas-10:54 ng gabi.
Dahil umano sa gawa lamang sa light materials ang mga tahanan dito ay mabilis na kumalat ang apoy hanggang sa tuluyang madamay ang mga kalapit bahay nito.
Nahirapan ding maapula agad ng mga pamatay-sunog ang apoy dahil sa makitid na eskinita. Tuluyang lumaki ang sunog na umabot naman sa general alarm bago ideklarang fire-out ito ganap na alas-7:02 ng umaga.
Tinatayang aabot sa P20 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian sa nasabing sunog.
Sa ngayon, karamihan sa mga apektadong pamilya ay pansamantalang nakahimpil sa NIA road at Quezon City circle habang hinihintay pa ang ayuda ng lokal na pamahalaan.