Magtiya patay sa sunog
MANILA, Philippines - Dalawa katao ang nasawi makaraang maipit sa loob ng natupok na tatlong palapag na tinutuluyan nilang apartment, kahapon ng madaling-araw sa Makati City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Tess Campos, 20; at pamangkin nitong si Eddie Badilla, 19, kapwa nanunuluyan sa natupok na CHR apartment building sa may #1838 Evangelista cor. Dallas St., Brgy. Pio del Pilar, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng Makati Fire Department, naganap ang sunog dakong alas-5:44 ng madaling-araw sa unang palapag ng gusali. Agad na nakalabas ng bahay ang ibang mga nakatira sa apartment building ngunit naipit sa kani-kanilang kuwarto sa ikalawang palapag sina Campos at Badilla.
Ayon sa mga bumbero, nasa kani-kanila pang tinutulugang kama ang mga nasawi nang kanilang matagpuan ang bangkay ng mga ito, tanda na naging napakahimbing ng kanilang pagtulog.
Tinatayang aabot naman sa mahigit P.5 milyon ang napinsala sa naturang sunog na tuluyang naapula dakong alas-6:40 ng umaga.
- Latest
- Trending