MANILA, Philippines - Nagtaas na naman ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa kung saan ikinakatwiran naman ngayon ang pagtaas ng halaga nito sa internasyunal na merkado dulot ng krisis-politika na nangyayari ngayon sa bansang Ehipto na isa ring supplier ng langis sa mundo.
Unang nagpatupad ng P0.75 sentimong dagdag presyo sa kada litro ng gasolina at diesel at P1 sa kerosene ang Pilipinas Shell dakong alas-12:01 ng hatinggabi kahapon na kaagad sinundan ng kaparehas ding halaga ng Chevron, Petron Corporation at iba pang kompanya ng langis na naging epektibo alas-6 ng umaga.
Ikinatwiran ni Mitch Cruz ng Corporate Communication ng Pilipinas Shell, na kailangang agad na sumunod sila sa galaw ng presyo sa internasyunal na merkado sanhi ng pagtataas nila.
Hindi naman nagustuhan ng iba’t ibang grupo ng transportasyon ang muling pagtataas ng halaga ng langis sa paniwalang isa na naman itong uri ng pagdidikta ng mga dambuhalang kompanya ng langis.