P11 tapyas sa presyo ng LPG
MANILA, Philippines - Muling nagbaba ng P1 sa kada kilo sa kanilang produktong “cooking gas” ang mga miyembro ng Liquefied Petroleum Gas Marketers Association (LPGMA).
Sinabi ni LPGMA partylist Rep. Arnel Ty na epektibo ang pagbaba nila ng P1 kada kilo o P11 kada 11-kilong tangke ng LPG dakong alas-12:01 ng hatinggabi bunga ng pagbaba ng contract price nito sa internasyunal na pamilihan.
Una nang nagtapyas ng P1 rin kada kilo ng LPG ang grupo nito noong Pebrero 1 makaraang mangako si Ty na bababa ang presyo nito umpisa ngayong buwan matapos namang sumirit paitaas noong Disyembre.
Kabilang sa mga inaasahang magtatapyas ng P11 kada tangke ang Island Gas, Regasco Gas, Pinnacle Gas, Cat Gas, M-Gas, Omni Gas at Nation Gas na pawang mga miyembro ng LPGMA.
Dahil sa ipatutupad na rollback, inaasahang papalo sa P660 hanggang P680 ang presyo ng kada tangke ng mga miyembro ng LPGMA na inaasahang mas mababa kumpara sa halaga ng cooking gas ng mga dambuhalang kompanya.
- Latest
- Trending