'Fall guy ang mister ko' - Mrs. Rosales
MANILA, Philippines - Mangiyak-ngiyak nang ipagtanggol ni Gng. Cora Rosales ang kanyang kabiyak na si Director Roberto “Boysie” Rosales kasabay ng pagsasabing, “fall guy ang mister ko!”
Ang reaksyon ay ginawa ni Mrs. Rosales matapos lumabas sa isang pahayagan na nagdadawit sa pangalan ni Gen. Rosales sa pamamayagpag ng Dominguez carjacking syndicate.
Sinabi ni Gng. Rosales na naniniwala siya sa kredibilidad ng kanyang asawa na inalagaan ang pangalan sa loob ng 33 taong serbisyo sa PNP na hindi nasangkot sa anumang kontrobersya at lubhang napakasakit sa kaniyang pamilya para puntiryahin ang heneral ng demolition job.
“Sinasabi ko sa mga anak ko mula pagkabata nyo kilala niyo kung anong klaseng tao ang ama niyo. Do not be afraid, lalaban tayo kahit ginaganito nila tayo because we are on the side of the truth,” ani Gng. Rosales hindi napigilan ang maluha.
Si Director Rosales ay kasalukuyang hepe ng Directorate for Integrated Police Operations-Northern Luzon (DIPO-Northern Luzon) matapos naman itong alisin sa puwesto bilang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
“Sa mga nasa likod ng demolition job na ito, mag-isip-isip rin kayo, huwag ninyong hayaan na ang inyong ambisyon ay manguna para sa ikasisira ng ibang tao”, giit pa nito.
Sa panig naman ni Rosales, muli nitong hinamon ang nasa likod ng naturang ‘demolition job’ laban sa kaniya na lumantad, magpakalalaki at harapin siya ng ‘face to face’ dahil hindi niya ito uurungan saan mang imbestigasyon sila makarating upang linisin ang kaniyang pangalan sa likod ng paninira sa kaniyang reputasyon na hindi naman bahagi ng imbestigasyon ng PNP.
“Unang una I can walk with my head high, wala akong ikahihiya , I have done my best to the PNP, I maybe strict but I am fair , I walk my talk, that is one way of aiming the respect,” ani Rosales sa pagharap nilang mag-asawa sa mediamen.
Ayon sa opisyal meron na siyang pinaghihinalaan na nasa likod ng ‘demolition job ‘ pero tumanggi munang tukuyin ito sa pagsasabing nasagasaan niya ang nasabing mataas na opisyal sa kaniyang krusada laban sa mga organisadong kriminal na posibleng labis nitong ikinagalit kaya binabaligtad siya.
Nabatid na inatasan na rin ni PNP Chief Director General Raul Bacalzo si Directorate for Investigation and Detective Management (DIDM) Chief P/Director Arturo Cacdac na imbestigahan ang pekeng intelligence report na nagdadawit at naninira kay Rosales sa nasabing illegal na operasyon ng Dominguez carjacking gang.
Kamakalawa ay itinanggi ni AFP Deputy for Intelligence (J2) Chief Major Gen. Francisco Cruz na galing sa intelligence operatives ng militar ang nasabing mapanirang report na ipinakalat sa mga media outfit upang ilaglag si Rosales.
Sa panig naman ni PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director P/Chief Supt Leonardo Espina, sinabi nito na walang 2 star rank na heneral silang iniimbestigahan na protektor ng Dominguez carjacking gang.
- Latest
- Trending