Mag-live-in partner timbog sa P25-M na cocaine
MANILA, Philippines - Arestado ang isang empleyado ng Bureau of Customs at kinakasama nito matapos na mahulihan ng limang kilo ng cocaine na nagkakahalaga ng P25 milyon sa isinagawang buy bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kamakalawa.
Ang mga suspect na sina Jessie Abuyong, 40, at Maria Lorejas, 43, kapwa residente ng Kawit Cavite.
Sinasabing si Abuyong ay empleyado ng BOC na may plantilla bilang clerk III sa Ninoy Aquino International Airport, habang si Lorejas naman ay natalong kandidato sa pagka-alkalde sa munisipalidad ng Mahaplang, Leyte. Ang dalawa ay nadakip ng tropa ng Metro Manila Regional Office ng PDEA sa pamumuno ni Supt. Wilkins Villanueva sa may Sir Williams Hotel sa Timog Quezon City.
Ang mga suspect ay matagal nang under surveillance ng grupo dahil sa impormasyong nagtatago ito ng cocaine na kabilang sa itinapon ng barko ng Tsinoy sa bahagi ng Samar.
Nang magpositibo ang impormasyon ay agad na pinlano ang isang buy bust operation kung saan isang poseur buyer ng PDEA na nagpanggap na Japanese national ang bibili.
Ganap na alas-10 ng gabi nang isagawa ang operasyon kung saan sa mismong hotel ng mga suspect isinagawa ang palitan ng items na naging ugat ng nasabing pagsalakay at naaresto ang mga suspect kasabay ng pagkakasamsam sa nasabing mga droga.
- Latest
- Trending