MANILA, Philippines – Tinatayang nasa 30 babaeng tsuper ang nakapasa sa unang screening ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para maging bus driver.
Nabatid na ang nabanggit na lady drivers ay sumasailalim sa pagsasanay o training na pinatutupad ng MMDA.
Tiniyak naman ni MMDA Chairman Francis Tolentino, na kapag nakapasa na sa final screening ang mga ito ay siguradong may nakaabang nang trabaho sa mga bus companies at ang ahensiya mismo ang magrerekomenda sa kanila.
Muling nilinaw ni Tolentino na ang hakbangin ng ahensiya ay upang maibsan o mabawasan ang pagtaas ng bilang ng mga aksidente sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila.
Naniniwala ang nabanggit na opisyal na sa pagkuha ng mga lady drivers para sa mga pampasaherong bus ay mababawasan na ang mga road accidents, bukod pa sa makikitang mga disiplinado at responsableng drivers ang mga ito.
Matatandaan sa record ng MMDA noong nakaraang taon, rumehistro na 137 lalaking driver ang namatay dahil sa pagkakasangkot sa road accidents habang 5 lamang na babaeng drivers.
Sa naturang rekord, naniniwala ang MMDA na mas higit na maingat at disiplinado ang mga babae pagdating sa pagmamaneho.