State prosecutor inireklamo ng pamamaril
MANILA, Philippines – Nasa balag ngayon ng alanganin ang isang state prosecutor na humawak sa kaso ng ‘Alabang Boys’ makaraang ireklamo ng pamamaril ng isang salesman sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ito ang nabatid makaraang dumulog sa himpilan ng Police Station 2 ng QCPD ang biktimang si Carlo Lim, 25, salesman, ng Blk. 2, Lot 14, Bongavilla, Rembo, Makati City, para ireklamo si state prosecutor John Resado, residente sa Brgy. Paltok sa lungsod.
Si Resado ay kabilang sa mga prosecutor na humawak sa kontrobersyal na kaso ng ‘Alabang Boys’ noong 2009.
Sa pagsisiyasat, nangyari ang insidente sa may Ilagan St., Brgy. Paltok sa lungsod ganap na alas-10:45 ng gabi.
Diumano, dumalaw si Lim sa bahay ng kanyang girlfriend na si Katheen Bautista at ipinarada ang kanyang Honda City (YRC-436) sa harap ng gate nito. Sinabing ang bahay ni Bautista ay pag-aari ng pamilya Resado.
Ilang sandali, dumating umano si Resado na lasing, at nang makita ang sasakyan ni Lim na nakaharang ay nagtanong ito kung kanino ito, dahilan para lumabas si Lim upang iurong ang sasakyan.
Ayon kay Lim, pagkalabas niya ay sinabihan umano siya ni Resado na “alam mo bang hindi ka puwedeng basta pumarada na lang dyan sa harapan,” na sinagot naman niya ng “bakit po kayo nagagalit sa akin eh mismong may bahay ang nagpaparada.”
Dito na umano nagalit si Resado at hinamon si Lim, saka kinuha umano ng una ang kanyang baril at pinaputukan ang kotse, na naging ugat para mabutas ito at tamaan naman ng shrapnel ang huli.
Nang marinig naman ng pamilya Bautista ang mga putok ay agad na nagsipaglabasan ang mga ito at inawat si Resado na agad namang sumakay ng kanyang sasakyan at umalis.
Paiimbestigahan na ni Chief State Prosecutor Claro Arellano ang insidente kasabay ng pagsasabing hindi nila kukunsintihin ang ganitong mga gawain.
- Latest
- Trending