MANILA, Philippines - Binulabog ng apat na magkakasunod na bomb threat ang tropa ng Quezon City Police District matapos ang mga tawag na natanggap buhat sa mga kompanya ng bus at mall sa lungsod, iniulat kahapon.
Gayunman, ayon sa District Public Safety Battalion (DPSB) ng QCPD, ang mga nasabing banta ay negatibo matapos ang ginawang pagsisiyasat ng Explosive Ordnance Division.
Ayon sa DPSB, unang nakatanggap ng bantang pagpapasabog ang Eton Centris Bldg. na nasa bahagi ng EDSA corner Quezon Avenue, Brgy Pinyahan ganap na alas-2:50 ng umaga sa pamamagitan ng text messages na natanggap ng dalawang empleyada nitong sina Nilda Aspeg at Jenielyn Gabriel.
Ganap na alas-2:50 naman ng hapon nang makatanggap ng bomb threat ang cashier na si Venice Aumentado ng Superlines Bus Company Inc. sa may #693 EDSA, Cubao mula sa isang babaeng caller na nagsabing “may bomba d’yan, nagmamalasakit lang ako, baka maraming madamay na sibilyan.”
Sumunod nito, ganap na alas-8:15 ng gabi ay rumespondeng muli ang tropa ng EOD matapos ang ulat na may bag na naiwan na hininalang naglalaman ng bomba ang nakita sa may Bus Bay Baliwag Transit Brgy. Sto. Cristo at sa harap ng isang bahay sa Del Monte Avenue, corner San Pedro Bautista, Brgy. Masambong.
Sa pagresponde ng tropa ng EOD ay napatunayang ang bag ay naglalaman lamang ng mga damit at ilang gamit.
Hindi naman nakaligtas sa bomb scare ang US Embassy matapos na isang itim na bag ang iniwan at pinagkamalang bomba sa Plaza Ferguson sa Roxas Boulevard, Ermita, Maynila kahapon ng umaga.
Nabatid na mga damit at ilang personal na gamit ang laman ng kinatakutang bag. (RICKY TULIPAT AT LUDY BERMUDO)