2 pang sasakyan kinarnap sa QC
MANILA, Philippines - Muli na namang nalusutan ang ipinatutupad na seguridad ng hanay ng Quezon City Police makaraan muling umatake ang mga karnaper sa magkahiwalay na lugar dito kahapon.
Ayon sa ulat, ang huling biktima ng sindikato ay ang sasakyang Mitsubishi Montero (PIH-155) ng isang Flordelina Cerilles, na tinangay habang nakaparada sa harap ng kanyang bahay sa no. 5 Maria Elena St., Carmel 1 Subdivision Brgy. Bahay Toro sa lungsod pasado alas- 6 ng umaga.
Ayon sa katulong ni Cerilles na si Flor Bontigao paggising niya ay napuna niyang nakabukas ang gate hanggang sa marinig na lang niya ang pag-andar ng sasakyan na nasa nasabing garahe. Inakala umano ni Bontigao na ang amo ang sakay, kaya hindi ito pinansin ng una at isinara na lang ang kanilang gate.
Sa pagsisiyasat ni Police Officer 2 Archie Bucutan ng Police Station 3, matapos makapasok ng suspect sa bahay ay agad na kinuha nito ang susi ng sasakyan saka ipinaandar at itinakas.
Kasunod naman nito tinangay din ang isang Mitsubishi Adventure (RJD-147) na pag-aari ng isang Ricardo Torres habang nakaparada ito sa panulukan ng Bulusan St., Brgy. Paang Bato sa lungsod.
Ayon kay Torres na residente sa Carpa Village Brgy. Sabang, bayan ng Baliwag Bulacan, ipinarada umano niya ang sasakyan sa lugar ganap na alas-7 ng gabi at natuklasang nawawala na ito ganap na alas 5 ng umaga.
Samantala, patuloy ang pagtugis ng pulisya sa isang Mitsubishi Strada pick up na kinardyak ng armadong suspect sa Brgy. Baesa kung saan tinangay din nito ang dalawang batang estudyante at driver ng nasabing sasakyan.
Kahapon, muling bumuo ang QCPD ng bagong unit na tututok sa mga kaso ng carnapping kapalit ng binuwag na anti-carnapping unit o ancar.
- Latest
- Trending