3 kolehiyo sa Metro Manila binulabog ng bomb threat
MANILA, Philippines - Nagbabala kahapon ang pamunuan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa sinuman na nais magpakalat ng dagdag na kaguluhan sa pamamagitan ng “prank calls” na mananagot sa batas sa oras na makilala sa tulong ng National Telecommunications Commission (NTC).
Ito’y makaraang bulabugin ng “bomb threats” ang Assumption College sa San Lorenzo Village, Makati City. Isa umanong estudyante ang nakatanggap ng tawag at kanyang ipinaalam sa guro.
Dahil dito napilitan ang pamunuan ng kolehiyo na kanselahin ang klase at pauwiin ang mga estudyante habang sinusuyod ng mga tauhan ng Explosive and Ordnance Division ng Makati police ang buong paaralan.
Bukod sa Assumption, sinasabing nakatanggap rin ng “bomb threats” ang Mirriam College at Mapua Institute of Technology na nag-negatibo rin sa umanoy bomba. Itinanggi naman ng pamunuan ng Ateneo de Manila University na nakatanggap sila ng “bomb threats”.
Umapela si NCRPO spokesman, Sr.Supt. Dionardo Carlos sa mga taong nasa likod ng “prank calls” na huwag namang dumagdag sa kaguluhan dahil sa palalaon ay matutukoy rin sila at pananagutin sa batas.
- Latest
- Trending