Pugad ng mga holdaper, snatcher sa Maynila pinalilinis
MANILA, Philippines - Pinalilinis ni Manila Mayor Alfredo Lim sa lahat ng mga station commander ng Manila Police District (MPD) ang mga pugad ng mga snatcher at holdaper sa kanilang nasasakupan upang magkaroon ng seguridad ang mga mamamayan.
Ang kautusan ni Lim ay bunsod na rin ng mga reklamo ng panghoholdap sa Maynila partikular sa Delpan St. kung saan isinasagawa ng mga holdaper ang ‘tutok kalawit’.
Ayon kay Lim, hindi lamang ang lugar ni Supt. Ernesto Tendero ng MPD-Station 1 at nakakasakop sa Delpan ang kanyang pinalilinis kundi maging ang lahat ng mga lugar sa Maynila na posibleng pagsagawaan ng operasyon ng mga sindikato at criminal.
Sinabi ni Lim, dapat na maibalik sa publiko ang tiwala sa mga pulis at hindi dapat na kinatatakutan.
Kaugnay nito, inutos din ni Lim ang paglalagay ng mga ilaw sa mga lugar na madidilim at madalas daanan. Aniya, ang mga lugar na madidilim ang kadalasang ginagawang lugar ng panghoholdap.
Samantala, sinabi naman ni Chief of Staff at Media Information Bureau chief Ric de Guzman na dapat na magtulungan ang publiko at mga pulis upang tuluyang masugpo ang kriminalidad sa lungsod.
Aniya, kadalasang hindi na lamang nagrereklamo ang mga nagiging biktima kung kaya’t patuloy pa rin ang iligal na operasyon ng mga kriminal.
Subalit kung pursigido ang mga biktima masasampahan ng kaso at makukulong ang suspect.
- Latest
- Trending