MANILA, Philippines - Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang lalaki ng magkapatid na kumatok sa kanyang bahay kahapon ng madaling araw sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si Ryan San Agustin, 31, ng A. Palon St. ng nasabing lungsod matapos na magtamo ng tama ng bala sa dibdib.
Pinaghahanap naman ng pulisya ang magkapatid na sina Ferdinand at Francisco Miranda, kapwa naninirahan sa naturang lugar.
Sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-2:00 ng madaling-araw sa bahay ng biktima sa naturang lugar.
Ayon sa ina ng biktima na si Josephine, kasalukuyan silang natutulog na mag-ina nang makarinig sila ng sunud-sunod na katok sa pintuan.
Agad namang tumayo sa pagkakahiga ang biktima upang alamin kung sino ang kumakatok. Ngunit nagulat siya ng pagbukas nito ng pintuan ay agad na pinaputukan ng mga suspect ang kanyang anak.
Matapos ang pamamaril ay mabilis na nagsitakas ang mga suspect sa hindi natukoy na direksiyon.