MANILA, Philippines – Dahil sa pagiging matigas ang ulo, binitiwan na ng Public Attorney’s Office (PAO) bilang kliyente ang kapatid ni dating Senior Inspector Rolando Mendoza na nang-hostage at nakapatay sa walong Hong Kong nationals noong nakalipas na Agosto ng nagdaang taon.
Ayon kay Atty. Owen de Luna, Assistant Director ng Inspection Monitoring Investigation Service (IMIS), National Police Commission (NAPOLCOM), nakarating sa kanyang tanggapan na binitiwan na ng PAO bilang kliyente si SPO2 Gregorio Mendoza.
Nabatid na ang pagbitaw ng PAO bilang legal counsel ni Gregorio ay base sa ipinalabas na Memorandum Circular ng naturang tanggapan.
Napag-alaman na sobrang tigas umano ng ulo ni Gregorio at hindi aniya ito nakikinig sa legal advise ng mga PAO lawyer, na posibleng maging dahilan upang malagay ito sa balag ng alanganin.
Nabatid sa NAPOLCOM na posibleng napuno na ang PAO kaya’t binitiwan na si Gregorio.