MANILA, Philippines - Nagmistulang ghost town ang isang barangay sa lungsod Quezon matapos na may 500 kabahayan ang nawalan ng suplay ng kuryente nang bumuwal ang isang kongkretong poste ng Meralco matapos gumuho ang tinutuntungan nitong semento o rip-rap malapit sa creek sa isang barangay sa lungsod Quezon kahapon. Sa pagbagsak ng poste, isa sa kabahayan ang bahagyang tinamaan, dahilan para tuluyang magalit ang mga residente naninirahan sa may Villa España, Brgy. Tatalon sa lungsod.
Sa ulat, pasado ala-1 ng madaling-araw nang mangyari ang insidente matapos na unti-unting kainin ng lupa ang rip rap sa bahagi ng creek na kinatutuntungan ng poste sa naturang lugar. Dahil dito, unti-unti ring bumuwal ang poste bago bahagyang bumagsak ito sa bubungan ng isang bahay dito, at magresulta sa malawakang brownout sa lugar.Masuwerte namang walang nasaktan sa mga naninirahang pamilya dito. Ayon sa residente, nakarinig muna umano sila ng malakas na putok, hanggang sa tuluyang mawalan sila ng suplay ng kuryente. Sa pagbuwal ng poste at sa bigat nito dahil na rin sa mga nakakabit na mga metro ng kuryente ay nabitak ang bahagi ng simentadong kalye, kaya nagpasya ang barangay official sa lugar na pansamantalang ilikas ang mga pamilyang malapit dito.