4 na kompanya mananagot sa bumagsak na gondola
MANILA, Philippines - Papanagutin ng Makati City government at ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang apat na kompanya na may kaugnayan sa konstruksiyon ng gusali ng Eton Residences na ikinamatay ng 10 trabahador matapos na mahulog ang mga ito mula sa sinakyan nilang gondola o improvised elevator nitong Huwebes, Enero 27.
Nabatid kay Makati City Administrator Marjorie De Veyra, may pananagutang dapat harapin ang mga kompanyang CE Construction, Arlo Aluminum Corp at sub-contractor nito na EMP Pinium Corp. at ang may-ari ng Eton Residences sa nangyaring malagim na aksidente.
Kahapon ay nagsagawa na ng masusing imbestigasyon at mahigpit na inspection ang dalawang safety engineers ng Makati City Engineering Office sa nabaggit na gusali, na matatagpuan sa panulukan ng Gallardo St. at Paseo De Roxas, Legazpi Village ng nabanggit na siyudad.
Umaksiyon na rin ang DOLE sa naturang insidente na nagsabing posibleng managot ang nabanggit na mga kompanya kapag napatunayan na nagkaroon sila ng paglabag.
Bubusisiin din ng DOLE kung tama ang natanggap nilang impormasyon na hindi nagbibigay ng tamang sahod ang mga kompanya, kulang ang bayad sa overtime, walang 13th month pay at kawalan ng iba pang benepisyo na dapat tanggapin ng mga trabahador.
Sa panig naman ng Eton Properties, tiniyak ni Danilo Ignacio, pangulo ng kompanya, ang puspusang pagtulong sa naulilang pamilya ng mga biktima at ang pagsasagawa ng sarili nilang imbestigasyon sa insidente.
Sa inisyal nilang imbestigasyon, lumalabas na overloaded ang dahilan ng pagbagsak ng gondola lift dahil batid umano ng mga trabahador na tatlo hanggang apat lamang ang kayang isakay nito subalit umabot sa 11-katao ang sakay.
- Latest
- Trending