MANILA, Philippines - Pormal ng sinampahan kahapon sa piskalya ng Taguig ng kasong accessory to the crime para sa kasong murder at frustrated murder ang isang 23-anyos na babae, na itinuturong naghatid ng ‘gift bomb’ na ikinasawi ng isang Tsinay noong nakalipas na Disyembre.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Deputy Director Sr. Supt. Federico Castro, hepe ng binuong Task Force Mahogany, na tumututok sa kaso, hihintayin muna nilang maglabas ng warrant of arrest ang korte bago dakpin ang hindi muna binanggit na pangalan ng babae na nakauwi na sa bahay nito matapos nilang imbitahan ito.
Sinadya aniya nilang itago muna ang pangalan ng babae para na rin sa kanyang kaligtasan.
Napag-alaman na ang babae ay dating kasambahay ng kapatid ng nasawing biktimang si Yvonne Chua.
Magugunitang sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya lumalabas na away sa pamilya ang ugat sa naganap na krimen dahil sa pag-aagawan umano ng kapangyarihan sa negosyo at salapi.
Matatandaang sumabog ang binubuksang regalo ni Chua na naglalaman ng limang granada sa loob ng kanilang tirahan sa Block 10 Lot 21 Mahogany Place 3, Barangay Bambang noong Disyembre 27 na galing umano sa isang alyas “Mama”.