P1-M reward sa bus blast inilabas

MANILA, Philippines - Isang milyong pisong pa­buya ang inilaan ni Pa­ngu­long Aquino sa sinumang makapagtuturo o ma­kapagbibigay ng im­­pormasyon laban sa mga suspek na responsable sa pagpapasabog sa Newman Goldliner Bus na ikinamatay ng lima katao at ikinasugat ng 13 pa noong Martes sa Makati City.

Sinabi ni Pangulong Aquino na ang naturang halaga ay magmumula sa President’s con­tingency fund para makatulong sa agarang pagkalutas ng kaso. 

Samantala, sinabi naman ni NCRPO director Nicanor Bartolome, naglabas na rin sila ng computer illustration ng dalawang lalaki na posibleng may impormasyon sa trahedya, base sa naging pahayag sa kanila ng mga testigo.

Tinatayang nasa 30 hanggang 35-anyos at 32 hanggang 35 ang mga suspek, kapwa nasa taas na “5’5” hanggang “5’7”, maitim at katamtaman ang laki ng katawan.

Ayon kay Bartolome hang­gang sa kasalukuyan ay wala pang grupo na umaako sa insidente.

Kaugnay nito, ayon sa NCRPO handa aniya nilang sanayin ang mga driver at konduktor ng bus upang ituro ang nararapat na gawin kapag nasa ganitong sitwasyon.

Hinimok ng NCRPO chief ang mga operator ng ibat-ibang public utility vehicles, na maglagay ng close circuit television (CCTV) camera, dahil malaki aniya ang maitutulong nito sa pagresolba ng krimen at sa seguridad ng publiko. 

Bukod sa mga pampublikong sasakyan, sinabi ng NCRPO chief na makikipag-ugnayan na rin sila sa mga manager at security personnel ng iba’t ibang establisi­miento, pati na sa mga opis­yal ng barangay at iba pang law enforcement agencies upang maitaas ang antas sa pagkalap ng impormasyon.

Show comments