Manila, Philippines - Dahil sa naganap na bus bombing sa Makati City, mistulang na-praning na ang pulisya nang muling maalarma ang mga ito sa isa na namang bag na naiwan ng isang pasahero sa bus, kahapon sa lungsod Quezon.
Agad na nagresponde ang mga miyembro ng Bomb Squad Unit ng Quezon City Police District (QCPD) at doon natiyak na negatibo sa bomba ang naiwang bag at ang laman nito ay Bibliya, ilan pang libro at notebook.
Ayon kay QCPD director Chief Superintendent Benjardi Mantele, umaksyon ang QCPD Explosives and Ordnance Division (EOD) makaraang makatanggap ito ng tawag mula sa driver na si Manuel Bolis patungkol sa isang bag na hinihinalang naglalaman ng bomba ang naiwan sa kanilang pinapasadang Jayross Lucky Seven bus (TXM-702) habang binabagtas ang kahabaan ng North Avenue, at Quezon Elliptical Road, ganap na alas-7 ng gabi.
Bago ito, galing umano ng Commonwealth Avenue ang bus nang isang pasahero ang nakapansin sa isang kulay orange at gray na school bag na iniwan ng isang pasahero. Sa takot na naglalaman ito ng pampasabog, agad na ipinaalam ito ng pasahero kay Bolis sanhi para agad na iparada niya ito sa nasabing lugar at tumawag ng responde.
Agad namang rumesponde ang EOD at nagsagawa ng Render Safe Procedure (RSP) kung saan napag-alamang negatibo sa anumang pampasabog ang nasabing bag.
Ang bag ay nasa tanggapan ngayon ng EOD Unit sa Kampo Karingal sa Brgy. Sikatuna, Quezon City habang inaalam pa ang may-ari nito kung saan may pangalang nakasulat na Golda Mirr L. Sagun sa mga notebook.
Ayon sa pulisya, mabuti na ang naging alerto kahit negatibo ang resulta kaysa ang maging kampante na ang resulta naman ay kapahamakan.