Pamilya ng 1 nasawi sa bus blast, umapela kay P-Noy
Manila, Philippines - “Mahal naming Presidente, tulungan po ninyo kami, maawa na po kayo sa amin”.
Ito ang kahilingan at sinisigaw ngayon ng pamilya ng isang FX taxi driver na kabilang sa limang nasawi sa naganap ng pagpapasabog sa Newman Goldliner bus sa Makati City noong Martes.
Si Mang Celestiano Marino, 57, isang balo, ay nakaburol ngayon sa kanilang tahanan sa Chico St., Napiko, Brgy. Manggahan, Pasig City.
Ayon sa kanyang dalawang anak na sina Jerry, 26; at Mary Ann Marino, 23, walang-wala silang pera sa ngayon para tustusan ang burol at pagpapalibing sa kanilang ama.
Anang magkapatid, malaking dagok na sa kanila ang malagim na pagkamatay ng kanilang ama ay problema pa nila ang pagpapalibing dito.
Sinabi ng magkapatid, bukod sa halagang P60,000 na sinisingil na serbisyo sa kanila ng punerarya ay wala pa ring lupa sa sementaryo na paglilibingan sa labi ng kanilang ama.
Umaapila ngayon kay Pangulong Noynoy Aquino ang magkapatid na tulungan sila sa kanilang problema at mabilis na pakilusin ang mga awtoridad para dakpin at kasuhan ang mga taong responsable sa naganap na pambobomba.
Si Mang Celestiano ay sinasabing isang masipag at ulirang ama na bukod sa pagmamaneho ng taxi ay nagtitinda rin ng damit sa bangketa sa tuwing walang pasada.
Napag-alamang galing sa kanilang abogado sa Parañaque City si Mang Celestiano para i-follow-up ang kaso ng kanilang lupa at papauwi na ito noong sumakay ng bus at pagsapit sa EDSA-Buendia ay doon naganap ang pagsabog.
- Latest
- Trending