10 obrero hulog mula 34th floor, tigok
MANILA, Philippines – Sampung construction workers ang nasawi habang isa pa ang nasa kritikal na kondisyon matapos bumagsak ang isang gondola motorized o improvised elevator sa isang ginagawang gusali sa lungsod ng Makati kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga nasawi na sina Romel Perez; Vincent Pinol; Joel Abesillas; Kevin Mabunga; Michael Tatlonghari; Celso Mabuting; Jay R Ligato; Jeffrey Diocado; Bonbon Crisostomo at William Ibañez.
Nasa malubha namang kalagayan sa Ospital ng Makati sa Malugay St. ang isa pang biktima na si Ruel Perez.
Sa ulat ng Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-11 ng umaga sa Eton Residences building, na matatagpuan sa panulukan ng Gallardo St. at Paseo de Roxas, Legaspi Village sa nabanggit na siyudad.
Nabatid na nakasakay ang 11 biktima sa sinasabing gondola-motorized habang ang mga ito ay naglalagay ng mga salamin. Mula sa 34th floor ay nahulog ang naturang improvised elevator na sakay ang mga biktima hanggang sa lumagpak sa ika-7 at ika-8 palapag. Ilan sa mga biktima ay sumabit pa sa mga bakal.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng nagkaroon ng mechanical problem at nag-overload ang naturang improvised elevator dahil ang kapasidad lamang ng sakay nito ay nasa lima hanggang anim.
Sa insidenteng ito, pansamantalang pinasususpinde ni Makati Mayor Junjun Binay ang operasyon ng naturang gusali at posible aniyang managot ang kontraktor nito dahil nagkaroon umano ito ng kapabayaan sa pagpapatupad ng safety measure.
- Latest
- Trending