MANILA, Philippines - Wala pang malinaw na detalye ang mga awtoridad kung ang carnapping syndicate na itinuturo sa pamamaslang sa car dealer na si Venson Evangelista ay sila ring nasa likod ng pamamaslang sa Baywalk beauty na si Rejoice Rivera at anak ni Atty. Oliver Lozano na si Emerson Lozano.
Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Magtanggol Gatdula, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon subalit di pa tukoy kung posibleng ang iisang grupo ang nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay at carjacking.
Kabilang sa magkakasabay na imbestigasyon ng NBI ang murder kay Rivera na natagpuang walang buhay sa Bulacan noong Disyembre 31.
Noong isang linggo, sinimulan na rin ng NBI ang parallel investigation sa Lozano carjack-slay, bagamat ang Philippine National Police (PNP) ang lead agency.
Sinabi ng tagapagsalita ng NBI na si Atty. Cecilio Zamora, ang NBI-Death Investigation Division (DID) na pinamumunuan ni Atty. Romulo Asis ang nakikipag-ugnayan sa PNP.
Una nang nag-claim ang isang Nieves Santos, ina ng nabanggit na Baywalk beauty na may kaugnayan umano ang kaso ng anak niya sa mga kaso ni Lozano.