Task Force disiplina aarangkada na
MANILA, Philippines - Sisimulan na sa Martes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng Task Force Disiplina sa tinaguriang “killer highway” na Commonwealth Avenue sa Quezon City upang madisiplina ang mga barumbadong bus at jeepney driver at mabawasan ang naitatalang aksidente sa lugar.
Kabilang sa ipatutupad ang 60 kph na maximum speed ng lahat ng pampubliko at maging pribadong sasakyan sa Commonwealth kung saan tutuldukan ang mga kaskaserong driver na nagpapaandar ng sasakyan ng higit sa 100kph dahil sa agawan sa pasahero.
Inisyal na ipinanukala ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paglalagay ng “service roads” sa magkabilang gilid ng Commonwealth Avenue habang harang naman ang nais ng MMDA.
Habang nasa pag-aaral pa ang panukala, ipatutupad naman ng MMDA ang “yellow lane” para sa mga pampasaherong bus, jeepney, taxi at maging mga nakamotorsiklo na pribadong motorista.
- Latest
- Trending