Wanted na rapist timbog

MANILA, Philippines - Nagwakas ang matagal nang pagtatago sa batas ng isang lalaking sangkot sa panggagahasa matapos na maispatan ng pulisya habang nakiki­pagtalo sa kanyang pinsang babae sa Quezon City kahapon.

Kinilala ni Supt. Edgardo Pamitan, Station Com­mander ng Police Station 11 ang suspect na si Alfredo Faigal na matagal ng tinutugis dahil sa kasong panggagahasa sa special child na pamangkin sa Nueva Ecija.

Ayon kay Pamitan, si Faigal ay aksidenteng naaresto ng kanyang tauhang si PO3 Radan matapos na makitang nakikipagtalo sa kanyang pinsang si Nympha Viray sa may Banawe St., ganap na alas- 11:55 ng umaga.

Dahil dito, agad na dinampot ni Radan ang da­lawa at dinala sa himpilan ng Station 11  kung saan sa pagsisiyasat ay saka nabunyag na si Faigal ay sangkot sa panggagahasa sa anak ni Viray.

Agad na nakipag-ugnayan ang PS11 sa Regional Trial Court ng Guimba, Nueva Ecija kung saan napatunayang may warrant of arrest si Faigal sa kasong rape na walang piyansang inireko­menda si Judge Napoleon R. Sta Romana. Ayon kay Pamitan,  si Faigal ay itinurn-over na nila sa tanggapan ng QCPD warrant section para sa kaukulang disposisyon at paglilipat dito sa nasabing probinsya.

Show comments