MANILA, Philippines - Binatikos ng mga opisyal at tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang kanilang director na si Chief Supt. Benjardi Mantele dahil sa umano’y paglalaglag sa kanyang tauhan na si dating District Anti-Illegal Drugs (DAID) head Chief Insp. Edwin Faycho.
Kasabay nito, nanawagan ang mga nasabing opisyal at mga tauhan sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na sibakin na si Mantele bilang district director ng QCPD dahil anila ay wala na silang respeto rito.
Nanawagan din kay QC Mayor Herbert Bautista ang mga pulis, kabilang ang non-uniformed personnel at Police Aide na gumawa ng hakbang upang palitan na si Mantele.
Matatandaang si Faycho ay itinuro ng Indian na si Majinder Kumar, alias James Kumar, na siyang nagtangkang dumukot sa kanya at bumaril at nakasugat kay Sr. Insp. Renato Apolinario, ng Pasay City Police, noong Disyembre 20.
Mariing itinanggi ni Faycho ang akusasyon na sinang-ayunan naman ng maraming opisyal at tauhan ng QCPD na nagsabing nasa Camp Karingal si Faycho nang naganap ang insidente.
Naunang ipinagtanggol ni Mantele si Faycho subalit makalipas ang isang linggo, biglang itinanggi nito na nasa kampo ang dating hepe ng DAID nang maganap ang insidente.