MANILA, Philippines - Papayagan nang makabiyahe ang mahigit isandaang bus units ng Philippine Corinthian Liner Corporation.
Ito ay kahit na kinansela na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng Philippine Corinthian Liner kung saan ang sikat na singer na si Claire dela Fuente ang nagsisilbing operator nito.
Ayon kay Atty. Manuel Iway, board member ng LTFRB, magagawa ito ni Dela Fuente kung maghahain ito ng mosyon sa Department of Transportation and Communications para makabiyahe pa ang mga sasakyan.
Sinabi pa ni Iway na may 15 araw si Dela Fuente para maghain ng mosyon.
Bukod sa Philippine Corinthian liner, sinuspinde rin ng LTFRB ang prangkisa ng ES Transport at Bovjen Transportation matapos makilahok sa tigil-pasada noong November 15 dahil sa ayaw nila sa bus coding sa EDSA na ipinatutupad ng MMDA.
Ayon kay Iway, may mga bus company pa silang sususpendihin sa susunod na linggo na kasama rin sa tigil- pasada noong Nobyembre 15.