7 fetus itinapon sa Maynila
MANILA, Philippines - Nakakaalarma na ang parang basura na lamang na pagtatapon ng fetus dahil sa hindi pa man nagsasara ang unang buwan ng taong ito, nasa pitong fetus na ang itinapon sa magkakahiwalay na lugar sa Maynila.
Sa pinakahuling ulat, tatlo ang magkakasunod na nadiskubre sa loob lamang ng isang araw kabilang ang isang nasa 8 hanggang 9 na buwang gulang na babaeng maituturing na sanggol na subalit pinaniniwalaang ipina-abort ng ’di pa kilalang ina.
Sa ulat na isinumite ng mga imbestigador kay P/Insp. Armand Macaraeg, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, kahapon ay nasa 7 na ang natagpuang fetus.
Dakong alas-9:30 ng umaga nang matagpuan sa panulukan ng Roberto Oca at Railroad sts., sa Port Area, Maynila ang sanggol na nakabalot sa damit na kulay itim, pambabae at isinilid sa plastic. Nadaanan ng isang Wendy Nuñez ang sanggol na may nakakabit pang umbilical cord.
Ikalawa ay ang tinatayang 2 buwan na fetus, nakasilid sa garapon, wala pang kasarian na natagpuan naman sa kalsada sa Dagonoy corner Oro St., sa Sta. Ana, Maynila, sakop ng Brgy. 774, Zone 184 dakong alas-10:30 ng umaga
Ikatlo ang tinatayang nasa 3-4 buwan, nakasilid sa plastic bag, dakong 1:30 ng hapon, kahapon sa panulukan ng Delfierro at Earnshaw Sts., Gagalangin, Tondo.
Samantalang ang iba pa ay natagpuan sa iba’t ibang lugar sa lungsod nito lamang mga nakalipas na araw.
Ayon sa mga imbestigador, posibleng mga ipina-abort ang mga nasabing fetus sa hindi pa natutukoy na mga abortionist sa magkakahiwalay na lugar.
- Latest
- Trending