Ex-NBI official nag-suicide
MANILA, Philippines - Dahilan sa hindi na makayanang karamdaman, winakasan ng isang dating opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kanyang buhay matapos itong magbaril sa sentido sa Muntinlupa City kamakalawa ng gabi.
Sa report na nakarating sa tanggapan ni Police Chief Supt. Jose Arne Mirabel Delos Santos, District Director ng Southern Police District (SPD), kinilala ang nasawing biktimang si Atty. Alejandro Tenerife, 69, nakatira sa Block 9, Lot 5, C. Arellano St., Katarungan Village, Brgy. Poblacion ng nabanggit na siyudad.
Ang biktima ay nagtamo ng tama ng bala sa kanang sentido buhat sa cal. 38 revolver.
Si Tenerife ay isang retiradong Deputy Director for Special Investigation ng NBI.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Richard Baguyo ng Station Investigation Division (SID), ng Muntinlupa City Police, dakong alas-6 ng gabi nang matagpuan ang biktima sa loob ng kuwarto nito, sa nabanggit na lugar ng kanilang kasambahay na si Jean Baria, 17-anyos.
Nakuha ang isang suicide note mula sa tabi ng bangkay ng biktima na humihingi ito ng tawad sa kanyang pamilya dahil sa kanyang ginawa.
Nakasaad sa suicide note ng biktima na ang pagpapatiwakal umano ang naisip nitong solusyon dahil sa matagal nang sakit na kanyang nararamdaman sa matinding pananakit ng tiyan at ulo. Inaalam pa ng mga awtoridad kung walang naganap na foul play sa kasong ito.
- Latest
- Trending