MANILA, Philippines – Arestado na ay nabugbog pa ng taumbayan ang isang babae matapos na umano’y holdapin ang isang empleyado ng LBC sa Quiapo, Manila kahapon ng tanghali.
Ang suspek na si Rowena Herrera, 34, ng Bonifacio East Calumay, Valenzuela City, ay nahaharap sa kasong robbery-holdup.
Narekober din ng mga awtoridad mula sa suspek ang may P15,000 cash na nakulimbat nito mula sa biktimang si Jocelyn de Mesa, na customer associate ng LBC, gayundin ang isang maliit na kutsilyo na siyang ginamit nito sa krimen.
Dakong alas-11:25 ng tanghali nang maganap ang insidente sa LBC Quezon Boulevard branch, na matatagpuan sa panulukan ng Claro M. Recto Avenue at Quezon Blvd. sa Quiapo.
Nauna rito, nagpanggap umano ang suspek na kostumer at pumasok sa loob ng LBC, kung saan kaagad umano nitong nilapitan si De Mesa at tinutukan ng kutsilyo, sabay deklara ng holdap.
Nang makuha ang P15,000 na kita ng nabanggit na kumpanya ay mabilis nang lumabas ang suspek upang tumakas, ngunit sinundan ito ni De Mesa, na nagsisisigaw at humingi ng tulong sa taumbayan.
Hinabol naman ng mga tao ang suspek at nang mahuli ay binugbog.
Natigil lamang ang pananakit sa suspek nang mapadaan ang nagpapatrulyang sina P/Senior Insp. Roberto Mangune at PO1 Ferdinand Adap, na sakay ng isang mobile car, na siyang tuluyang umaresto kay Herrera.