Ginang sinalpok ng motorsiklo, patay

MANILA, Philippines –  Patay ang isang 38-anyos na ginang makaraang ma­bundol ng isang rumaragasang motorsiklo kamakalawa ng hapon sa Las Piñas.

Nakilala ang nasawing biktima na si Gliceria Lugo, ng Block-5 Lot-24 Mabolo St., Golden Acres Annex sa naturang lungsod sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at bahagi ng katawan.

Nakilala naman ang driver ng motorsiklo na si Jackie Tandog, 19, ng Jasmin St., T.S. Cruz Subdivision, makaraang tumilapon sa sinasakyang motorsiklong may plakang UO-3870 nang bundulin ang naglalakad na biktima.

Ayon sa ulat, mabilis ang takbo ng motorsiklo ni Tandog habang tinatahak ang naturang lansangan patungo sa Zapote nang iwasan umano ang isang sasakyan pagsapit sa Factor Compound dakong ala-1:20 ng hapon.

Sa bilis ng motorsiklo, nawalan ng kontrol sa manibela si Tandog kaya’t nahagip niya ang naglalakad na ginang na naging sanhi ng kamatayan nito.

Isinugod rin naman sa pagamutan si Tandog makaraang magtamo ng sugat sa katawan dahil sa pagsemplang ngunit nakatakdang sampahan pa rin ito ng kasong “homicide thru reckless imprudence”.

Show comments