MANILA, Philippines – Nasawi ang isang taxi driver makaraang dalawang beses na barilin sa dibdib at ulo ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang holdaper nang manlaban ito, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.
Nakilala ang biktima na si Marlon Dawag, 49, ng Mangga Street, Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-10:15 ng gabi sa panulukan ng E. Rodriguez Street at Nueve de Pebrero Street, Brgy. Pleasant Hills sa lungsod.
Nakatayo umano sa naturang lugar si Dawag sa tabi ng kanyang Izusu Hi-Lander taxi (TVW-399) na may rutang Pasig-Quiapo habang naghihintay ng pasahero nang lapitan ng dalawang salarin at agad na tutukan ng baril na kalibre .45.
Nanlaban umano ang biktima nang umpisahang kunin ang suot nitong gintong kuwintas sanhi upang barilin siya ng isa sa mga salarin. Mabilis na tumakas ang mga suspek lulan ng isang scooter.
Bukod umano sa panghoholdap, tinitignan rin ng pulisya ang anggulo na sinadyang paslangin ang biktima at pinalabas lamang na hoholdapin ito. May nakalap kasing impormasyon ang mga imbestigador na posibleng sangkot ang biktima sa isang “love triangle” na maaaring dahilan rin upang paslangin ito.