Chief ng QCPD-Station 10, sibak
MANILA, Philippines – Matapos na malusutan ng mga carnapper, sinibak na sa puwesto kahapon ang hepe ng Quezon City Police Station 10.
Ayon kay QCPD director Chief Supt. Benjardi Mantele, sinibak sa kanyang puwesto si Supt. Constante Agpaoa, bunga ng umano’y insidente ng pagdukot at pagpatay kay Venson Evangelista at ang huli ay ang pagtangay sa sasakyan ng anchorman ng DZMM na si Carl Balita na naganap sa Timog at Mother Ignacia St., sa lungsod.
Nilinaw ni Mantele, na inalis sa puwesto si Agpaoa habang isinasagawa ang imbestigasyon dahil nais nilang malaman kung may operational lapses sa hanay ng pulisya kung kaya naganap ang sunud-sunod na carnapping incident dito sa loob lamang ng isang linggo.
Giit ni Mantele, mismong ang Regional director ng National Capital Region Police Office na si Director Nicanor Bartolome ang nag-utos na tanggalin sa puwesto si Agpaoa.
Samantala, aminado naman si Mantele na hindi pa nila masibak sa puwesto ngayon ang hepe ng Station 6 na si Supt. Marcelino Pedroso dahil walang ebidensyang sa Commonwealth Avenue nangyari ang pagdukot kay Emerson Lozano, ang anak ni Atty. Oliver Lozano na brutal ding pinatay ng mga suspect.
Magugunitang sinibak din ni NCRPO Chief Director Nick Bartolome ang hepe ng PCP 6 ng Makati Police na si Chief Insp. Alex Fulgar matapos na malusutan at matangay ang sasakyan ni Margarita Fores na pinsan ni Chief trouble shooter Mar Roxas.
- Latest
- Trending