Karnaper umatake uli, DZMM anchor panibagong biktima
MANILA, Philippines - Hindi pa natatapos ang isyu ng dalawang car dealer na pinaslang ng pinaniniwalaang carnapper, muli na namang sumalakay ang kilabot na karnaper makaraang isang Toyota Grandia na pag-aari ng anchorman ng ABS-CBN ang tinangay sa lungsod Quezon, kahapon.
Ayon kay Quezon City Police District director Chief Supt. Benjardi Mantele, isang kulay puting Toyota Grandia Hi-Ace GL 2008 Model na may plakang (ZSA-299) na pag-aari ni DZMM anchorman Carl Balita ang tinangay ng mga suspect.
Nakaparada umano ang nasabing sasakyan sa Torre Venecia hotel, parking lot sa Timog corner Mother Ignacia St., ilang hakbang ang layo sa istasyon ng ABS-CBN nang kunin ito ng mga salarin. Sinasabing isang matabang lalaki ang malayang nagbukas ng van at saka tinangay ito.
Samantala, ipinatawag naman ni Mantele ang guwardiya ng nasabing establisimyento upang magpaliwanag kung papaano nakalusot ang naturang salarin.
Nagtataka si Mantele kung bakit nalusutan ang guwardiya gayong, regulasyon ito ng naturang establisimyento na hanapan ng dokumento ang sinumang lalabas ng kanilang parking lot. Gayunman, patuloy ang kanilang pagsisiyasat ukol dito.
Sa ulat, pasado alas-5 ng umaga nang mangyari ang insidente matapos na iparada ni Balita ang kanyang sasakyan sa nasabing lugar.
- Latest
- Trending