Stampede sa MRT: 8 sugatan
MANILA, Philippines - Walo katao ang nasugatan nang magkatulakan ang mga pasahero ng isang tren ng Metro Rail Transit 3 dahil sa pagpa-panic nang bigla na lamang umusok ang unahang bahagi nito at tuluyang huminto sa gitna ng Cubao at Santolan stations sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Sinabi ni MRT duty manager Nestor delos Santos na patungong Makati ang naturang tren nang biglang huminto dakong alas-9:52 ng umaga matapos na maipit umano ang “break pad” nito.
Nagresulta ito ng pag-usok sanhi upang mag-panic ang libu-libong pasahero ng naturang tren. Pinindot umano ng mga pasahero na malapit sa pinto ang “emergency button” sanhi upang bumukas ang mga pinto kung saan nag-umpisa nang magkatulakan sa pagmamadaling makalabas at lumayo sa inaakala nilang panganib dahil sa usok.
Sinabi ni Delos Santos na bago umano masabihan ng driver ng tren na huminahon ang mga pasahero, nagkanya-kanyang tulakan at labasan na sa tren ang mga ito.
May walo umano sa mga pasahero na pawang mga babae ang nasugatan bunga ng pagtutulakan.
Naglakad namang pabalik sa Cubao station ang mga pasahero habang naapektuhan din ang biyahe ng ibang mga train units na nagresulta sa pagka-stranded ng maraming pasahero.
- Latest
- Trending