MANILA, Philippines - Dalawang Chinese national at isang Pinoy ang magkakasamang nadakip ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa isang drug bust kung saan nakumpiska ang nasa anim na kilo ng hinihinalang shabu, kamakalawa ng hapon sa Paco, Maynila.
Kinilala ni NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome ang mga suspek na sina Wendun Chen, alyas “Wilson Tan”, 45, ng Tondo, Maynila; Lianfu Chen, alyas “Jimmy Tan”, 56, ng Binondo, Maynila at kapwa tubong Fujian, China; at Saidali Magdao Muliloda, 45, tubong Marawi City at naninirahan sa Metropolis, Pasig City.
Nabatid na nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Regional Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group (RAID-SOTG) sa pangunguna ni P/Insp. Ernesto Capungcol dakong alas-4:30 kamakalawa ng hapon malapit sa isang convenience store sa may Quirino Avenue, Paco, Maynila.
Nakumpiska sa posesyon ng mga suspek ang anim na kilo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P27 milyon, tatlong cellular phone, isang gray Nissan Cefiro (XMS-883) at puting Toyota Fortuner (ZFE-154) at ang buy-bust money.
Sinabi naman ni NCRPO Deputy Regional Director for Operations P/Chief Supt. Miguel Laurel na nakatutok sila ngayon sa pagkilala sa mga lokal na kontak ng nasakoteng miyembro ng isang internasyunal na sindikato ng iligal na droga sa ilalim ng “Case Operation Plan: Ice Meltdown”.
Sinampahan na ng mga kasong paglabag sa Section 5 (sale, trading, dispensation, delivery), Section 11 (possession) at Section 26 (attempt or conspiracy) sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nadakip na suspek sa Manila City Prosecutor’s Office. (Danilo Garcia at Joy Cantos)