MANILA, Philippines - Ikinasa ng may 250,000 miyembro ng militanteng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang malawakang tigil-pasada at mga protesta kaugnay ng muling pagtataas sa presyo ng gasolina at diesel.
Ayon kay Piston Secretary General Goerge San Mateo, mariin nilang kinokondena ang bagong oil price hike na P1.00 kada litro sa diesel at 75 centavos sa gasolina kada litro.
Bunsod nito, umaabot na ngayon sa P39.75 ang halaga ng diesel kada litro at P50.73 sa gasolina kada litro sa National Capital Region (NCR) at sa mga lalawigan ay umaabot sa P40.00 hanggang P45.00 ang halaga ng diesel kada litro at P51.00 hanggang P56.00 ang halaga ng gasolina kada litro.
Anya, galit na galit ang hanay ng mga tsuper sa bagong pagtataas ng halaga ng produktong petrolyo dahil sa hirap ng buhay ay ganito pa ang mangyayari na halos karamihan sa mahihirap na mamamayan ay wala nang makain.
Kaugnay nito, hiniling ng Piston kay Pangulong Noynoy Aquino at sa Kongreso ang kagyat na aksiyon para sa pagbasura sa 12 percent VAT sa langis at Oil Deregulation Law upang matapyasan at mabawasan ang presyo ng langis.