MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang ang pagbagsak sa dalawang major subjects ang nagtulak sa pagpapatiwakal ng isang 21-anyos na Engineering student ng Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) state college, sa pamamagitan ng pagbibigti, sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Ramuel Solomon, residente ng D. Ampil St., Sta. Mesa, Manila ng kanyang kapatid na si Rowena, dakong alas-6:30 ng gabi sa kanyang silid na nasa ika-2 palapag ng kanilang bahay.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:30 ng gabi nang madiskubreng patay si Ramuel at huli itong nakitang buhay dakong alas-2 ng hapon, kamakalawa nang dumating mula sa eskwelahan.
Isang eletrical cord ang ginamit ng biktima na ipinulupot sa leeg at isinabit sa kisame.
Ayon umano kay Rowena, kapansin-pansin ang pagiging malungkutin ng kapatid ng mga nakalipas na araw dahil sa pangambang hindi ito makasama sa graduation ngayong darating na Marso.
Problema umano ng biktima ang pagbagsak niya sa 2 major subjects sa engineering course.