6 na holdaper timbog
MANILA, Philippines - Nakapuntos laban sa mga sindikato ng panghoholdap ang mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) makaraang anim na kilabot na holdaper ang madakip ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa Taguig at Quezon City.
Iprinisinta kahapon ni NCRPO chief, Director Nicanor Bartolome ang mga naarestong suspek na sina Mark Pabito, 24; Bernardo Pelagio, 20, kapwa ng San Pedro, Laguna; Boyet Regildo, 42, ng Old Balara, Quezon City; Manuel Galan, 38; Mario Roda, 38, kapwa ng Taguig City at Delfin Galan, 50-anyos, ng Diliman, Quezon City.
Ayon sa ulat, nakatanggap ang NCRPO ng impormasyon ukol sa planong panloloob sa Western Union outlet sa EP Housing Phase II, Western Bicutan, Taguig City.
Dakong alas-4:45 kamakalawa ng hapon nang looban ng anim na armadong suspek ang naturang outlet kung saan nasa P240,000 halaga ng salapi ang matagumpay na natangay. Agad namang naaresto ng mga rumespondeng tauhan ng Taguig City Police ang suspek na si Pabito kung saan isang kalibre .38 baril ang nakumpiska dito.
Nagpalabas ng alarma ang NCRPO upang masabat ang mga suspek makaraang ipakalat ang deskripsyon ng “get-away vehicle” ng mga salarin habang nagsagawa ng “pursuit operation” ang Regional Special Task Group (RSTG) at isang unit ng Special Weapons and Tactics unit.
Isinailalim naman sa interogasyon si Pabito kung saan itinuro nito ang kanilang kuta sa Old Balara, Quezon City. Agad na sinalakay ng Taguig police, katuwang ang Quezon City Police District kung saan naaresto ang mga suspek na sina Pelagio at Regildo at nakumpiska ang isang Yamaha Sniper motorcycle (NU-6931) at dalawang kalibre .38.
Nadakip naman sa Katipunan Avenue sa Quezon City ng mga tauhan ng SWAT ang mga suspek na sina Manuel at Delfin Galan at Roda lulan ng Honda CRV (CRV-555).
- Latest
- Trending