MANILA, Philippines - Dalawa katao ang patay, habang dalawa pa ang malubhang nasugatan makaraang magsalpukan ang isang tricycle at pampasaherong jeepney sa lungsod Quezon, kamakalawa.
Kinilala ni Senior Insp. Maximo Sabio, hepe ng Traffic Sector 5 ng Quezon City Police District, ang mga nasawi na sina Marbe Cagampan, 29, driver ng tricycle at residente sa Dakila St., Batasan Hills; at Michael Gansay, 27, driver ng jeepney at residente naman sa Molave St., Tondo Manila.
Ang mga sugatan naman ay kinilalang sina Melesa Nevelesco, 45; at Sonny Alunan, 17; kapwa ng Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Ayon kay PO3 Edgardo Talacay, may-hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may IBP Road sa harap ng Pag-asa, Brgy. Batasan Hills ganap na alas-11:15 ng gabi.
Diumano, binabaybay ng tricycle ni Cagampan ang IBP Road mula Commonwealth Avenue patunong San Mateo nang pagsapit sa naturang lugar ay biglang sumulpot ang minamanehong pampasaherong jeepney (PWM-609) ni Gansay na tinatahak din ang naturang lugar.
Sinasabing sa sobrang bilis ng takbo ng PUJ ay sumalpok ito sa center island dahilan para mawalan ng kontrol sa manibela si Gansay at magpagewang- gewang sa lugar hanggang sa banggain nito ang tricycle ni Cagampan saka tuluyang rumampa sa gutter ng IBP Complex at tumaob.
Dahil sa matinding impact,nagkalasug-lasog ang katawan ng nabanggit na mga driver at agad silang binawian ng buhay.