MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ng mga pulis sa Manila City Hall na maaapektuhan ang mga kasong hawak ng ilang opisyal na ipinatapon sa Mindanao at kabilang sa 26 na miyembro ng Manila Police District (MPD).
Ayon sa mga pulis, hindi naman umano tama na pabalik-balik mula Mindanao at Maynila ang mga pulis upang dumalo sa kaso na kanilang hawak.
Anila, “unfair” at hindi makatarungan ang pagpapalipat sa mga pulis lalo pa’t ang mga ito ay “true blue” MPD police.
Isa na rin dito ang kaso ni Chief Insp. Mar Reyes na patung-patong na kaso ang hawak at kasalukuyang hepe ng General Assignment Section at City Hall Public Assistance.
Una nang umapela ang Manila’s Finest Brotherhood Association, Inc. sa desisyon ng PNP na bigyan ng rekonsiderasyon ang transfer kung saan sinasabing posibleng makaapekto ito sa kanilang performance.
Sinabi ni SPO4 Virgo Villareal, karamihan din sa mga ito ay magreretiro na sa serbisyo sa loob ng dalawang taon.